Tuesday 20 October 2009

Dried Fish...

Matapos kong maglinis, maglaba at nanood ng MTV at pinagpawisan ako sa kaka gaya kay Rhiana at sinabayan sa mga kantang pinasikat nya gaya ng “please don’t stop the music” at “umbrella”. Nakaramdam ako ng gutom. Kape at toast lang ang aking inalmusal bandang alas dies ng umaga pa yun. 1:20pm na pala, tumingin ako sa labas, maririnig mo ang malakas na hampas ng mga halaman, na para bang nakikisayaw sila sa tugtugin ng musikang aking pinakikingan. Malakas din ang ulan, na tilabagang napadpad si Ondoy dito sa UK.
Nagpunta ako sa kusina, at pinagsaing ko ang bunso kong anak. Wala akong mahalungkat na madaling kainin. Kailangan kong mag defrost ng karne, kung gusto kong magluto ng ulam? Anong uulamin namin?

Dito sa UK, kadalasan ang mag tao, isang beses isang araw lang sila kumakain, sandwich lang halos o minsan chichirya ang kanilang pampalipas gutom sa tanghali. Minsan prutas o kaya naman sabaw na nasa sachet.

Bilang isang tunay na pilipino, malakas paring sumisigaw sa aking puso, ang pagiging natural na pinoy. At sobrang hilig sa kanin. Dahil narin sa sakit namin sa pamilya (diabetis) medyo nagbawas na rin ako sa kanin, kaya ang sampong kilong bigas ay inaabot narin ng mahigit kumulang tatlong buwan, sa aming mag-anak.

Sa tindi ng pagod ko kanina, nakita ko sa ref ang nakabalot na tuyo na dala pa ng kaibigan kong galing Texas. “Hmmmn, pwede nato, sawsaw sa suka at bagoong.” masarap kainin pag ganitong malakas ang ulan. Maalala ko noong kabataan ko pa, madalas naming kainin ang tuyo katerno ng munggo (or balatung sa kapampangan) lalo na pag araw ng Biernes, siguro dala ng pagiging katoliko ni Inay, kaya kada Biernes, hindi kami nagkakarne, tradisyon na dinala naming magkakapatid, pero isang dahilan narin ng pagtitipid. Kaya kadalasan tuyo ulam namin.
Siempre pag bata ka, medyo hindi ganun kalawak ang pang intindi mo sa mga kapaligiran, hindi mo naiintindihan kumbakit, lagi kayong kumakain ng tuyo. Tuyo na matindi ang amoy, at kapag itoy inulam mo, tiyak, maghapon ang hininga mo at kamay ay nangangamoy tuyo. Bagay na kinaiinisan mo, para sa yo, sa murang isip, ang tuyo ay pagkain ng mahihirap, minsan sinisisi mo ang tuyo, kumbakit nag da dry ang balat mo. “dahil siguro madalas kaming kumain ng tuyo”
Kapag tinatanong ka ng mga kaibigan mo kung anong ulam niyo, nahihiya kang mag sabi na tuyo ang ulam niyo, kaya kadalasan gumagawa ka ng sarili mong ilusyon at sinasabi mo na ang ulam niyo ay HAM or “Pride chiken.”
Matapos kong lutuan ng pritong itlog ang mga anak ko, binigyan ko sila ng konting kanin sa kani kanilang plato, at pinakain sa salas, sabay utos na isara ang lahat ng mga pintuan sa silid, binuksan ko ang mga bintana sa kusina, pati narin ang pintuan sa may bandang utility room. Then nilabas ko ang frying pan, at nagprito ako ng tuyo, sinindi ko ang exhaust fan,sabay nagdasal na sana, wag maamoy ng mga kapitbahay ko.
Pagkaluto, gumawa ako ng sawsawan na suka at bagoong, sumandok ng kanin at nakadalawang plato ako, sarap na sarap ako sa tuyo, habang tinitiris ko ang ulo, sabay sawsaw sa suka, siempre pa nagkamay ako, at ang isang paa ko, nakataas pa sa may upuan, alangan namang gagamit kapa ng fork and knife, baka sisigaw ang tuyo ng “Hoy kamayan mo nga ako no?” so ayun, kada subo ko sa kanin, at tuyo, parang naalala ko bigla ang kabataan ko, na kada kumakain ako ng tuyo noon, iniisip ko na ham ang sinusubo ko instead na tuyo, pero ngayon, enjoy na enjoy ako sa tuyo.
Hinugasan ko kagad ang frying pan, at hinugasan din ang mga plato, naghugas ako ng kamay ng ilang beses. Heto hangga ngayon nangangamoy suka at tuyo parin ang aking kanang kamay. Pero isa lang ang masasabi ko…Huwag ikahiya ang tuyo, dahil darating ang araw, tuyo lang pala ang magpapaligaya sa yo.

2 comments:

  1. nagutom ako ah... sarap ng tuyo!

    kelan ka punta dito mare? sana soon na habang lasenggera pa ako hahahah!

    ReplyDelete
  2. Lols---ipon pa ako, dont worry, tagay tayo pag nakarating ako dyan..Lols. basta ba maraming gwapong papa ha? heheh

    ReplyDelete